Now Playing Tracks

Kaya mo ng wala siya.

Iniisip mo kaseng hindi mo kaya, kaya hindi ka makaalis sa problema mo ng pagkalimot na yan. Eh kung onti onti mong tinatanggap na wala na talaga eh sigurado naman akong onti onti ka na ring hindi aasa. Wag mo mahalin ang pakiramdam ng pagiging malungkot, dapat na mimiss mo ang pagiging masaya at ginagawan mo na ng paraan para maranasan ulit ito sa lalong madaling panahon.

Nako ka, sige ka, baka napadaan na yung susunod. Hindi mo lang pinansin dahil busy ka pa ren sa kakaisip sa taong hindi naman talaga nababagay sayo. Ikaw din. Sayang din. Sige ka.

(Source: matabangutak)

Ruel, Isang batang lansangan sa darating na Pasko.

Ito ay isang maikling kwento,maaring fictional sa karamihan pero katotohanan kung isasalugar mo talaga ang sarili mo sa kanila. Isang pahiwatig ng isang batang nasa lansangan sa darating na pasko, sasabihin ng batang ito ang mga opinyon niya tungkol sa kung ano ba talaga ang tunay na pasko sa kanya, ano ang pakiramdam magpasko sa lansangan. Isa lang itong kwento na bumabagabag sa isip ko. Sana ay magustuhan ninyo.


Ako si Ruel, labindalawang taong gulang, labindalawang taon na rin akong nasa lansanangan, nasa ilalim ng tulay nakatira ang aking mga magulang, at labindalawang taon na rin ako nag titiis sa ganito naming buhay. Maaring ako ay bata pa, pero lingid sa kaalaman ng iba na alam ko na ang ibang pasikot sikot sa buhay. Maaring hindi pa akma ang edad ko sa mga ganitong bagay, binuksan ito ng maaga ng karanasan… Sa mga danyos na pinapasan ko sa buhay.

Mahirap magkaroon ng tatay na lasingero, nanay na mahilig sa sugal. Labindalawa kaming magkakapatid, daig pa ang mga mayayaman sa aming paligid. Ewan ko ba dito kay Nanay at kay Tatay. Ginawa na atang libangan ang pag gawa ng aming mga susunod pang magiging kapatid. Pang sampu ako sa amin, at ang sumunod sa akin ay pitong taon at ang bunso naman ay apat na taon.

Hindi ko lubos maisip na nagkakasya kami sa loob ng bahay, dumating sa punto na paghihiwalay-hiwalayin kami ng aming magulang para magtrabaho o mamasukan, dumating din yung araw na halos ibenta na ang aming kapatid sa ibang tao dahil sa hirap ng buhay at dahil na rin sa masikip na ang bahay. Napakabaho ng aming bahay, dahil sa labas ng pintuan sa ilalim ng tulay eh isang mabaho at maduming kanal. Palagi na lang ganito, nakakaumay na….. Malapit na nga rin pala magpasko—Ganito pa rin ang buhay namin.

Napapa-isip ako parati, kung pwede bang matupad ang hiling sa pasko kahit wala kang ginagawa, kung isa ba itong milagro na bigla na lang mangyayari. Basta daw naniniwala ka, eh mangyayari at mangyayari ito. Pero sa lagay ko? Parang imposible ata akong mapagbigyan ng kung sino man sa itaas ang nagbibigay gantimpala sa mababait na batang tulad ko. Kung si Santa Claus ba o si Papa Jesus. Kahit sino naman sa kanila ang magbigay, ang mahalaga matupad ang kahilingan ko.

Ang tanging hiling ko lang naman eh gusto ko makapag aral, gusto ko matuto sumulat at magbasa, sobrang saya ko na siguro kung makakahawak ako ng lapis at papel at isulat ang aking pangalan. Pero wala pang nakaka pag-aral sa aming magkakapatid, kung maiisip man kami pag-aralin sigurado akong yung mga nauna kong kapatid muna ang magkakaroon ng tiyansa makapag-aral. Naiingit ako sa mga papasok sa eskwelahan, may mga bagong bag, bagong sapatos, bagong uniporme at yung mga nakalagay sa tenga nila para makinig ng musika, hindi ko alam tawag dun eh, basta alam ko pang kinig ng musika yun, kasi napapaindak sila eh.

Gusto ko dumating din yung araw kong ganun, masaya na rin naman ako dahil buhay na rin ako at binuhay ako ng mga magulag ko, di tulad ng ibang bata na hindi na binubuhay ng magulang nila dahil sa hirap ng buhay, mga batang biktima ng aborsyon. Sinasabi sa amin ng magulang namin lagi yun, na buti pa nga daw at hindi nila kami naisipan ipalaglag. Di ko pa alam dati ang ibig sabihin nun, pero dumating din yung araw na ipinaliwanag sa amin yon ni Ina.

Palagi na lang malamig ang pasko namin, parating umaasa kaming magkakapatid na makakuha ng pagkain sa labas ng mga restaurant, tapos iipunin namin yun at gagawing BOCHA ni Nanay. Yun naman lagi ang handa namin eh, yung BOCHA. Kapag may kapirasong laman ng manok, swerte na namin. Buti na lang at mababait ang mayayaman sa amin, tanong ko nga sa sarili ko kung may mayaman kaya na naiisip na huwag na lang kainin yung kinain nila at sabihin sa tauhan sa restaurant na itapon para kapag pinulot namin eh meron kaming makukuhang kumpletong pagkain na magkakapatid.

Siguro masaya na ako sa ganito, kumpleto at masaya na rin naman kami kahit papano. Hindi naman kailangan ng masarap na handa kapag pasko eh, hindi na rin kailangan ng may regalo. Mga mayayaman lang ang may karapatan gumawa nun, yung mga may kaya sa buhay. Pero kami? Himala na ata o sa tamang panahon pa mararamdaman yung mga bonus na nararamdaman ng isang tao kapag pasko.

Basta sa sarili ko, masaya ang pasko ko. Kasi kumpleto ang pamilya ko. Kahit na ganito lang. Ang hirap magsabi ng masaya, pero may kahit sa huli. Pero wala akong magagawa, ganito ako tinadhana, pero alam ko darating yung araw na magkakaroon din ako ng papel sa buhay. Masyadong abala ang tao sa paglaki. Dapat ako rin.

(Source: matabangutak)

To Tumblr, Love Pixel Union